35

Oct 29, 2017 @ 15:22

Adventure parks, tiyaking ligtas – Solon

Hinimok ng isang kongresista ang Department of Tourism na magtakda at magpatupad ng minimum standards sa kaligtasan at seguridad sa mga theme parks kabilang ang adventure sports, extreme sports at iba pang sports Tourism destinations sa buong bansa.

Katuwiran ni Iligan City Rep. Frederick Siao, vice chairman ng House committee on tourism, marami nang aksidente kung saan nabiktima ang mga lokal at dayuhang turista na sumabak sa zip line, parasailing, water rafting, skydiving at iba pang adventure sports.

Sabi ni Siao, dapat namang sumunod ang Pilipinas sa globally-recognized standards para lalo pang mapaunlad ang turismo sa Pilipinas.

“Safety and security of our tourists must be assured. If the DOT does not have the personnel, it can certainly accredit competent and professional firms that can conduct the safety and security checks on its behalf,” giit ng kongresista.

Kasabay nito’y pina-aaksyunan ni Siao sa House committee on games and amusement ang kanyang inihaing House Bill 6424 o Leisure and Adventure Extreme Sports Safety and Insurance Act.

Sa ilalim ng panukala, inoobliga ang mga operator ng amusement o theme parks at adventure o extreme sports facilities na bigyan ng insurance coverage ang lahat nang parokyano.

“It becomes imperative to institutionalize the safety measures and make the procurement of comprehensive general liability insurance as one of the mandatory prerequisites for the operators so that clients may safely enjoy the amenities of amusement or theme parks and adventure or extreme sports facilities,” ayon kay Siao. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?