23

Sep 9, 2021 @ 10:52
By

Adobong manok may special sahog, nabutata ng kapulisan

“Mission not accomplished” ang special task ng isang lalaking magpapasok sana ng adobong manok na may special sahog sa loob ng Davao City Jail.

Ayon kasi sa ulat ng GMA News nitong Miyerkoles, nagpadala si Richard Caybot ng ‘humba’ bilang ‘paabot’ sa loob ng naturang city jail.

Napag-alaman naman na hindi lang paminta ang ginawa niyang pampalasa sa naturang ulam dahil siniksikan din niya ng shabu ang manok at sili ng kanyang special humba.

Batay sa report, tinatayang nasa P256,000 halaga ng shabu ang ginawang palaman ni Caybot.

Dahil dito, binalaan ni BJMP chief Jail Director Allan Iral ang mga kaanak ng mga nasa piitan at sinabing huwag magdala ng mga kontrabando sa mga kulungan.

“Mahirap na po ang sitwasyon natin ngayon dahil sa pandemya kaya huwag na po sana kayong gumawa pa ng anumang paglabag sa batas,” wika niya.

“Hindi po kayo makakalusot dahil lalo kaming mahigpit ngayon hindi lamang dahil sa pandemya kundi alam naming mayroong ilan na magsasamantala sa sistema ng ‘paabot’ sa aming mga pasilidad,” dugtong pa niya.

Kasaslukuyang nasa Talomo Police Station ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?