149
trillanes
By

Ad placement controversy ng DOT-PTV4 pinasisiyasat ni Trillanes sa Senado

Sharing is caring!

Inihain ngayon ni Senador Antonio Trillanes IV ang resolusyon na humihingi ng Senate investigation sa P60 milyong halaga ng advertisement deal ng Department of Tourism (DOT), PTV4 at Bitag Media na kumpanya ng mga kapatid ni dating Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo.

Sa kaniyang Resolusyon No. 726, sinabi ni Trillanes na kailangang bungkalin ang isyu upang hindi na maulit at upang masiguro na tama ang paggamit ng DOT sa kanilang advertising at marketing budget.

Tinukoy sa resolusyon ang ulat ng Commission on Audit na nagbayad ang DOT ng kabuuang P60,009,560 sa state-run na PTV4 para ipalabas doon ang mga patalastas ng DOT.

Ang PTV4 naman ang nagbayad ng nasabing halaga sa Bitag Media na producer ng blocktimer na programang Kilos Pronto kung saan hosts sina Ben at Erwin Tulfo na mga kapatid ni dating DOT Secretary Wanda Tulfo Teo.

Sinabi ni Trillanes na lumilitaw dito ang iregularidad dahil nagbayad ang PTV 4 sa Bitag para ipasok sa kanilang programa ang patalastas ng DOT.

Dapat umano, ang Bitag ang nagbabayad sa PTV4 para sa kanilang airtime.

Isyu rin umano ang sinabi ng CA na walang memorandum of agreement ukol dito ang PTV4 at Bitag media at umanoy wala ring certificate of performance o katibayan na isinahimpapawid nga sa programa ng mga Tulfo ang binayaran sa kanila na patalastas.

Inihain ni Trillanes ang resolusyon kahit nagbitiw na sa puwesto si Teo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?