By

Abusado sa Customs, isumbong n’yo sa akin, papatayin ko! – Duterte

Sharing is caring!

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga umuwi at uuwi pa lang na mga overseas Filipino workers (OFWs) na isumbong sa kanya kapag pinahirapan sila ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) pagdating sa airport.

Tinanong ng Pangulo ang mga umuwing OFWs sa kanyang pagdalo sa anibersaryo ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Malolos, Bulacan kung hiningan at binuksan ang kanilang mga bagahe pagdating sa airport.

Sinabi ng Pangulo na binalaan na niya ang mga taga-Customs na tigilan na ang mga dating ginagawa tulad ng laglag-bala at panggigipit sa mga OFW na maraming bagahe pag-uwi sa bansa.

Ayon kay Pangulong Duterte, kapag nakarinig ito o nakatanggap pa ng reklamo patungkol sa hingi-hingi ng mga taga-Customs o pang-iipit sa kanilang mga bagahe ay pupuntahan niya ang mga ito.

“Pagdating n’yo, wala naman kayong harassment sa Customs? Dire-diretso na kayo? Wala nang bukas-bukas ng mga bag? Hingi-hingi ng ganoon? Kasi pag mayroon pa, sabihin mo p****, papatayin ko ‘yan, puntahan ko. Sinabi ko na , ‘no opening of bags, no harassment, no nothing’,” ang pahayag ng Pangulo.

Matatandaang pag-upo ni Pangulong Duterte noong 2016 ay winarningan ang mga taga-BOC at lahat ng mga nagtatrabaho sa mga airport sa bansa na tigilan na ang modus na ‘laglag-bala’ kung ayaw na ipakain sa mga ito ang mga natatagpuan umanong mga bala sa bagahe ng mga pasahero.

Batay sa obserbasyon ng Pangulo, kapag mga opisyal ng gobyerno ang dumarating sa paliparan mula sa ibang bansa ay hinahayaan lang kahit pa ang haba ng bagahe pero kapag mga OFW mula Hong Kong o ibang bansa ang dumating ay kinakalkal ng mga taga-Customs ang dala-dala ng mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?