44

Oct 4, 2021 @ 16:49

Abueva ‘The Beast’ player sa PBA ngayon

Tuloy-tuloy ang mala-halimaw na laro ni Calvin Abueva at tinanghal siyang PBA Player of the Week para sa Setyembre 29 hanggang Oktubre 3 period.

Sa naturang mga petsa ay todo-kayod si ‘The Beast’ at nag-average ng 16.2 points at 13 rebounds sa 52% field goal shooting.

Dahil sa kanyang matikas na laro, winalis ng Magnolia Hotshots ang Rain or Shine sa best-of-three quarter finals at nasungkit ang game one win kontra sa Meralco noong semis.

Tampok sa pagmamamaw ng 33-anyos na forward ang 20 points at 19 rebounds sa game two laban sa Rain or Shine.

Maging ang foul trouble ay bigong pigilan si The Beast kung saan binuhos niya ang pito sa 13 points sa fourth quarter para tulungan ang Hotshots na ungusan ang Meralco sa game one.

Si Abueva ang nangungunang kandidato para magwagi ng Best Player of the Conference
award. (mjd)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?