172
Abu Sayyaf member na may patong-patong na kaso, naaresto sa Taguig
Mar 11, 2019 @ 16:48
By

Abu Sayyaf member na may patong-patong na kaso, naaresto sa Taguig

Iprinisinta sa media ang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na natimbog ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI)-Counter-Terrorism Division, Death Investigation Division at Western Mindanao Regional Office sa Taguig City.

Si Salahim Dawani alyas Abu Moadz ay naaresto sa Brgy. Maharlika sa Taguig noong isang linggo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Basilan Regional Trial Court dahil sa patong-patong na kaso ng kidnapping at serious illegal detention.

Ayon sa NBI, si Abu Moadz ay kasama sa grupo ng ASG na dumukot sa ilang manggagawa ng Golden Harvest Plantation sa Tairan, Lantawan, Basilan noong 2001.

Matagal nang nakapagtago si Abu Moadz hanggang sa makatanggap ng impormayon ang mga awtoridad sa pinakahuling pinagtataguan nito sa Taguig CIty.

Kinumpirma muna ng NBI ang partisipasyon nito sa nangyaring kidnapping na pinatotohanan ng dalawang biktima at testigo.

Ayon sa mga testigo, kasama ang suspek sa nanunog ng kanilang chapel sa plantasyon sa Lantawan, Basilan at bahay ng kanilang manager doon.

Si Abu Moadz din ay kabilang sa namugot sa mga biktimang sina Primitivo falcasantos at Crisanto Suela.

Nagsilbi rin umano itong bantay ng iba pang mga dinukot na manggagawa ng plantasyon.

Bukod dito, itinuturo din ang suspek na kasama sa mga tumulong sa pagbabantay sa Dos Palmas Resort sa Palawan nang dukutin ang mag-asawang American national na sina Martin at Gracia Burnham.

Bukod dito, nagsilbi rin itong augmentation force sa ASG nang magsagawa ito ng pagdukot sa Sipadan Pulao, Sabah, Malaysia noong Abril 23, 2000.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?