81

Dec 16, 2017 @ 18:33
By

Abu Sayyaf member na may kasong murder, timbog sa QC

Isang lalaki na hinihinalang miyembro ng notoryosong Abu Sayyaf Group (ASG), na isinasangkot sa kasong pagpatay, ang nalambat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City, kamakalawa.

Ayon kay QCPD Director, P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang suspek na si Abdulmuin Yahiya, na may mga alyas na Jayson at Mauhmin Yahya, 35, at may tatlong taon nang naninirahan sa Basilan St., Salaam Comp., sa Brgy. Culiat, ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Leo Jay T. Principe ng Isabela City, Basilan Regional Trial Court noong Agosto 2006 pa, dahil sa kasong murder, kaya’t walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Nabatid na si Yahiya ay hinihinalang miyembro ng ASG dahil sa kanyang malapit na ugnayan kay Hadji Taufik Sanihin Yahiya, alyas Nonong Yakan at Nonong Yahiya, na isa sa mga hard core members ng ASG, at wanted rin sa siyam na bilang ng kasong murder at apat na bilang ng kasong frustrated murder.

Sinabi ni Eleazar na ang suspek ay naaresto dakong alas-10:00 ng umaga sa Tandang Sora Avenue, Quezon City matapos na matukoy ng mga tauhan ng District Special Operations Unit na nagtatago ito sa Salaam Compound at nagpapanggap na isang tricycle driver kaya’t walang kaalam-alam ang kanyang mga kapitbahay, na pinaghahanap siya ng batas.

Kaagad namang nakipag-ugnayan ang mga pulis sa Salaam Compound tribal at community leaders, na hindi naman nagdalawang-isip na tumulong kaya’t kaagad na nadakip ang suspek.

“Ito pong arrested wanted person ay naging miyembro ng Salaam Crime Watch Group at nagsilbi nang maayos, ngunit gusto man niyang magbagong-buhay, may pananagutan pa rin siya sa batas. Kaya ako ay lubos na nagpapasalamat sa ating mga kasamahang Muslim sa Salaam Compound sa patuloy na kooperasyon at suporta sa ating mga adhikain,” ayon kay Eleazar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?