7

Sep 10, 2020 @ 15:56
By

‘Absolute pardon ni Pemberton ‘di pabaon sa pag-uwi ng US Ambassador’

Tinanggi ng Malacañang na “pabaon” kay United States Ambassador Sung Kim pabalik sa Amerika ang absolute pardon na ginawad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa American murderer na si Joseph Scott Pemberton.

Kasunod ito ng pagtatapos ng tour of duty ni Kim bilang US Ambassador to the Philippines.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na wala siyang nakikitang pangangailangang para magbigay ng pabaon si Pangulong Rodrigo Duterte sa kahit na sinong ambassador na nagtapos na ng tour of duty sa Pilipinas.

“I don’t think kinakailangang magbigay ng pabaon si Presidente sa any particular departing ambassador,” ani Roque.

Noong Lunes ay ginawan ng Pangulo ng Order of Sikatuna si Kim sa Malacañang na karaniwang ibinibigay ng gobyerno sa mga diplomat na nagtapos na ng kanilang pananatili sa bansa.

Noong Lunes din inianunsiyo ng Presidente na ginawaran niya ng absolute pardon si Pemberton, ang Amerikanong sundalo na pumatay sa Filipino transgender woman na si Jennifer Laude sa Olongapo City noong October 2014.

Giniit ni Roque na umakto ang Pangulo ng naaayon sa pambansang interes at hindi pabaon ito kay Ambasador Kim.

“I think the President acted in pursuit of our national interest, as a matter of my personal opinion,” dagdag ni Roque.

Muling giniit ni Roque na hindi kinakailangang magpaliwanag si Pangulong Duterte sa naging aksiyon at desisyon nito dahil bahagi ito ng kapangyarihang ibinigay sa kanya nang ihalal siya ng taong bayan, at walang sinomang maaaring kumuwestiyon dito.

“Uulitin ko po, pardon is the most presidential of all presidential powers. It is not open to question anywhere by anyone,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?