132

Apr 8, 2021 @ 13:28

ABS-CBN report tinawag na ‘fake news’ ni Defensor

Itinanggi ni Anakalusugan Rep. Michael Defensor na ang Ivermectin na ginagamit sa hayop ang kanyang ipamimigay sa tao.

Sa isang post sa social media, tinawag ni Defensor na fake news ang isang ulat ng ABS-CBN na may titulong “Defensor giving away veterinary drug Ivermectin to COVID-19 patients despite FDA [Food and Drug Administration] warning”.

“Isang malaking FAKE NEWS ang pinapakalat ng ABS-CBN na ang ipinamimigay ko na Ivermectin ay isang veterinary drug,” ani Defensor.

Ayon kay Defensor ang Ivermectin na kanyang ipamimigay ay human grade o ginawa para gamitin sa tao.

“Wala pong doktor ang mag-peprescribe ng gamot na para sa mga hayop. Masyado po atang nilang minamaliit ang mga tao na nagsasabing maaaring gamitin na precautionary medicine ang Ivermectin. Ito po ay human grade Ivermectin at nakapaloob po ang proseso ng pagbibigay sa regulasyon ng FDA,” wika pa ni Defensor.

Ang bibigyan ng Ivermectin ay ang mga tao na pinayagan at binigyan ng resita ng kanilang doktor.

“Sumusunod tayo sa batas at guidelines ng FDA. Ang iniiwasan natin ay ang unsafe, unregulated distribution ng ivermectin na kumakalat sa black market ngayon,” dagdag pa ni Defensor.

Ang ipamimigay na Ivermectin ay gagawin din umano sa isang laboratoryo na awtorisado ng FDA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?