224

May 6, 2020 @ 8:27
By

ABS-CBN pinasara, Cardo Dalisay napamura

“TINATARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!”

Matapang na binitawan ni Coco Martin sa kanyang pahayag kasunod ng pagsasara ng ABS-CBN.

Saktong 7:52 ng gabi nitong Martes, May 5, nag-sign off ang TV network alinsunod sa cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission (NTC).

Dahil dito, sunud-sunod ang paglalahad ng mga netizen at mga artista ng kanilang sentimyento kaugnay sa pagsasara ng istasyon.
Isa si Coco Martin sa mga artista na hindi napigilang ilabas ang kanyang hinanakit.

Sa unang bahagi ng post ng nagngangalit na “Ang Probinsyano” lead actor, inihayag niya ang kanyang galit na itinigil ang operasyon ng TV network kahit na humaharap ngayon ang buong bansa sa COVID-19 pandemic.

“Anong klaseng mga tao ang gumawa nito? Alam ninyo na ang ibig sabihin ng pagkasara ng ABS-CBN ay kawalan ng trabaho ng ilang libong empleyado kasama ang mga pamilya nito. Ilang libong pamilya ang magugutom sa kabila nang lahat ng nangyayari sa mundo ngayon,” lahad ng aktor.

Direkta pang pinatamaan ng aktor ang NTC sa iba pang bahagi ng kanyang pahayag.

“Sa mga taong pilit nagsulong sa pagpapasara sa ABS-CBN, sana ay panatag ma panatag na ang kalooban niyo. NTC sana nagdala ito ng lubos na kaligayahan!!!” dagdag pa niya.

Tinuloy niya sa pangalawang post ang kanyang pagkapoot.
“Wala kayong mga konsensiya, naatim niyong pagkaitan ng hanapbuhay at pabayaang magutom ang ilang libong mga pamilya! Lalo lang lulubog sa kahirapan ang mga Pilipino! Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?,” bulalas niya.

Matapang din na binitawan ni Coco ang pangalan ni Solicitor General Joe Calida na kanyang direktang pinatamaan.

“Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!” sarcastic niya pang pahayag.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?