267

Feb 24, 2020 @ 19:04

ABS-CBN may P30B utang sa mga bangko – Recto

Umabot sa P30 bilyon diumano ang utang ng ABS-CBN Corporation sa mga bangko kaya’t nararapat lang magpatuloy ang operasyon nito at mabayaran ang kanilang obligasyon, ayon kay Senate Presidente Pro Tempore Ralph Recto.

“Malaki ang utang ng ABS-CBN sa mga bangko. Nakita ko ang mga financial statement ninyo, mga P30 billion din ‘yan and you have to be operating to be able to pay these obligations with the banks,” pahayag ni Recto sa pagdinig ng Senate public services committee sa prangkisa ng ABS-CBN.

“Maraming depositor hindi ho ba? Kapag hindi nakabayad ang ABS-CBN, magkakaproblema din ang ilang mga bangko,” sambit pa ng senador.

Sabi ni Recto, bukod sa 11,000 manggagawa na maaapektuhan ng pagsasara, apektado rin aniya ang libong stockholder ng network.

“Alam natin na ang mga may-ari, stockholder din ng ABS-CBN. At dahil publicly listed kayo, hindi ako nagkakamali, mahigit limang libo ang may-ari ng ABS-CBN, kasama na rin diyan ang ilang empleyado n’yo. Is that correct?” tanong ni Recto kay Carlo Lopez Katigbak, president at CEO ng network.

“Yes your honor, we have about 8,000 stockholders,” sagot naman ni Katigbak.

Pero ang pinakamalaking stockholder ng ABS-CBN, ani Recto, ay ang mga nanonood at tumatangkilik sa network na umabot sa 70 milyon.

“Dagdag pa riyan, mayroon ba kayong kakumpetensya overseas na other local networks with regards overseas Filipino workers?” tanong ni Recto kay Katigbak.

“Yes, we do have competitors outside the country your honor, but the largest share of the market is still held by ABS-CBN,” sagot naman ni Katigbak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?