50

Mar 5, 2020 @ 15:35
By

ABS-CBN franchise ‘sure ball’ na sa Kamara – Salceda

Walang duda ang isang kongresista na makakalusot sa Kamara ang franchise renewal ng ABS-CBN kasunod na rin ito sa itinakda nang pagdinig ng kapulungan sa naturang nakabinbing panukala sa Marso 10.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang desisyon ng liderato na buksan na ang inisyal na pagdinig ay isang napakagandang hakbang upang tuluyan nang mapawi ang namagitang tensiyon sa pagitan ng mga pabor at tutol sa naturang usapin.

Gayunpaman, sinabi ni Salceda na wala siyang nakitang dahilan upang hindi maaprubahan ang renewal ng prangkisa ng naturang TV network dahil na rin umano sa nakikita niyang mga positibong senyales mula sa mga pangunahing grupong may direktang kinalaman o sangkot sa naturang usapin.

Tinukoy pa ng solon si Pangulong Rodrigo Duterte na unang nagpahayag ng kanyang disgusto sa TV network ngunit nakikita ring lumalambot na sa kanyang posisyon.

Bukod dito, inihalimbawa pa ni Salceda ang CBCP franchise na kilalang kritiko ng Pangulo ngunit naipasa rin naman ang renewal ng prangkisa nito.

“Unang-una, pinapasa ni Duterte yung CBCP [franchise] na mas ideologically antagonistic sa kanya. Never akong nagduda na ito (ABS-CBN franchise) ay hindi ipapasa kasi ‘yung CBCP na mas mahirap talaga eh pina-lapse into law,” ayon kay Salceda kasabay ng pagsasabing, “Given all the signals and the noise coming from all the major players, the Senate for one, the Palace, and of course the House, now I think the stars have aligned.”

Isa si Salceda sa mga principal author para sa franchise renewal ng CBCP at co-author naman siya ng House Bill 676, na kabilang sa nakabinbing 11 panukalang humihiling na palawigin pa ng panibagong 25 taon ang prangkisa ng ABS-CBN.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?