67

Dec 2, 2018 @ 15:32
By

Abot-kayang lunas sa mga may kanser, aprub sa Kamara

Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala na naglalayong bigyan ng nararapat at murang gamutan ang mga maysakit na kanser lalo na iyong mahihirap.

Sa viva voce voting, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 8636 o ang National Integrated Cancer Control Act na pangunahing iniakda ni Bataan Rep. Geraldine Roman.

Sa ilalim nito, isusulong ang integrated at komprehensibong pamamaraan ng pag-aalaga sa cancer patient sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga polisiya, serbisyo at healthcare delivery system.

Kabilang dito ang pamumuhunan para mapalakas ang cancer prevention at mas mapaganda ang screening para sa tamang diagnosis.

Magtatatag din ng National Integrated Cancer Control Advisory Council na siyang aaktong recommendatory body para sa mga programang may kaugnayan sa cancer control, gayundin ng Cancer Assistance Fund na pangangasiwaan ng Department of Health para sa pagpapagamot ng mahihirap na pasyenteng may kanser.

Ipagkakaloob sa cancer patients ang kaparehong mga pribilehiyo na ibinibigay sa mga persons with disability (PWD).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?