145

By

Abogado niratrat sa harap ng bahay

Dead on the spot ang isang abogado matapos paulanan ng bala ng dalawang suspek sa labas ng bahay nito sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City, Sabado ng madaling-araw.

Nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa kalibre .45 na baril ang biktimang si Jesus Acpal, 68, retirado ring police colonel ng Philippine National Police at residente ng Arellano St., Katarungan Village, Barangay Poblacion.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang Muntinlupa City Police para malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Batay sa report mula sa tanggapan ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente bandang 1:05 ng madaling-araw (Setyembre 21) sa labas ng bahay ng biktima sa Arellano St.

Ayon sa anak ng biktima na si Camille, nakarinig siya ng mga putok ng baril sa labas ng kanilang bahay at paglabas ay tumambad sa kanya ang nakabulagtang ama sa tapat ng kanilang gate.

Nabatid na galing sa mall ang mag-amang Acpal at nang makarating ng bahay sakay ng kulay itim na Toyota Fortuner na may plakang ZLP-438 ay bumaba ang biktima para buksan ang gate at ipasok ang sasakyan.

Habang binubuksan ng biktima ang gate ng kanilang bahay ay biglang dumating ang mga suspek na armado ng baril at agad na nagpaulan ng bala sa target na abogado at mabilis na tumakas.

Narekober sa crime scene ang 11 na basyo ng bala ng kalibre .45.

Hinaing naman ni Camille na wala siyang alam na may kaaway ang kanyang tatay kaya humihingi sila ng katarungan sa pagkamakatay ng ama.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?