36

Sep 9, 2020 @ 17:20

Abogado ng pamilya Laude, ignorante – Panelo

Tinawag na “ignorante” ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo ang abogado ng pamilya Laude matapos ihayag na sunud-sunuran ang Pilipinas sa Amerika.

Ito ay matapos gawaran ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na pumatay sa Filipino transgender na si Jennifer Laude.

Sinabi ni Panelo sa kanyang programang “Counterpoint” na malinaw na hindi alam ni Atty. Virgie Suarez ang bilang ng mga nabigyan ng pardon sa ilalim ng Duterte administration at sumabay sa pag-iingay ng oposisyon at mga kritiko.

“Eh kasi nga, ignorante siya sa number of pardons na na-grant. Apat lang ang dayuhan, 135 ang Pilipino,” ani Panelo.

Sinagot din ni Panelo ang patutsada ni Suarez na hindi kaya ni Pangulong Duterte na lumaban sa US o sa Tsina kaya lahat ng pabor ay ibinibigay umano sa mga ito.

Binigyang-diin ni Panelo na walang kinalaman ang foreign policy ng gobyerno sa isyu ni Pemberton at hindi nakikipag-away ang Presidente sa kahit na alinmang bansa.

“Ang problema sa’yo Atty. Suarez, walang kinalaman ‘yung kanyang pag-pardon sa posisyon sa foreign policy ng gobyerno sa Amerika o sa China. Ang kanyang foreign policy ‘friends to all, enemies to none’,” dagdag ni Panelo.

Pinuna rin ni Panelo si Suarez sa pagtawag niya sa Pangulo na “Duterte” lang sa kanyang mga pahayag kaugnay sa ibinigay na absolute pardon sa pumatay sa kanyang kliyente.

“Oh, matawag mo si Presidente, Duterte lang, parang wala ka man respeto,” wika ni Panelo. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?