178

Jan 3, 2020 @ 15:22
By

Abogado kritikal sa pamamaril sa Dumaguete

Nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan ang isang abogado matapos itong barilin ng hindi pa kilalang gunman sa labas ng kanyang bahay nitong Biyernes ng umaga sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Patuloy na nilalapatan ng lunas sa Silliman Medical Center dahil sa tama ng bala sa katawan ang biktimang si Atty. Ray Moncada, 74, residente ng EJ Blanco Drive, Barangay Daro ng nabatid na lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-8:35 ng umaga sa harapan ng bahay ng biktima.

Nakarinig ng nagdo-doorbell ang biktima kaya nilabas niya ito upang tingnan kung sino ang bisita subalit laking gulat niya nang makitang nakaumang na ang baril ng suspek sa kanya.

Dali-daling bumalik papasok ng bahay ang abogado subalit pinagbabaril siya ng suspek at bago siya nakakubli ay tinamaan na ng bala sa katawan.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril habang isinugod sa nabanggit na ospital ang biktima.

Sa pagsisiyasat ng SOCO sa lugar, nakakuha ang mga ito ng anim na basyong bala ng kalibre .45 baril at suwerte umanong isa lang ang tumama doon sa biktima.

Isa sa tinitingnang motibo ng pulisya sa planong pagpatay sa abogado ay may kinalaman sa mga kaso nitong hinawakan at napag-alaman pa na mayroon na itong mga death threat subalit sadyang hindi muna isinawalat ng pulisya ang detalye.

Taong 2013, pinasabugan na rin ng improvised explosive device ang bahay ni Moncada subalit suwerteng walang nasugatan o nasawi sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?