42

Oct 26, 2019 @ 22:14
By

Abando, Chabi Yo, USTe niresbakan ang Adamson

Umeskapo ang UST Growling Tigers sa kanilang bakbakan kontra Adamson Soaring Falcons, 80-74, sa Ynares Centre sa Antipolo City nitong Sabado upang siguruhin ang puwesto sa playoffs ng 82nd UAAP men’s basketball.

Nanguna sa opensa si Mark Nonoy na gumawa ng halos double-double record na 17 points sahog pa ang 8 rebounds at 5 assists upang kunin ang kanilang ika-8 panalo sa loob ng 14 games.

Hindi rin nagpahuli ang Beninese big-man na si Soulemane Chabi Yo nang lumista ito ng double-double record na 16 markers at 15 boards habang double-digit points din na 13 at 12 sina Rhenz Abando at Renzo Subido.

Bago makuha ng España-based squad ang panalo ay dumaan pa ito sa butas ng karayom dahil sa palitang opensiba na pinakita ng Adamson.

Bahagyang nagpamalas ng bagsik ang Ermita-based team sa pagpasok ng huling yugto nang gumawa ito ng 12-0 run upang idikit ang puntos sa 67-all.

Ngunit pamatay-sunog naman ang ginawa ni Sherwin Concepcion nang pumukol ng tres at may kasama pang foul na nagbigay sa kanila ng magandang bentahe tungong end-game.

“Hell of a game! Because we were tight all of us,” pahayag ni coach Aldin Ayo. “The players, even the coaching staffs. I have a very young assistant coaches and this is a learning experience dun sa mga batang coaches and dun sa mga players namin na rookies, na 9 rookies, learning experience also on how to handle pressure.”

Naaksaya naman ang ginawang game-high 18 points ni Joem Sabandal matapos mabigong hiritan sana ng talo ang Tigers. (Aivan U. Episcope)

Mga puntos:

UST 80 – Nonoy 17, Chabi Yo 16, Abando 13, Subido 12, Concepcion 8, Paraiso 5, Cansino 4, Ando 2, Huang 2, Bataller 1.

AdU 74 – Sabandal 18, Ahanmisi 11, Camacho 10, Douanga 7, Chauca 6, Lastimosa 6, Fermin 4, Manlapaz 3, Mojica 3, Bernardo 2, Magbuhos 2, Yerro 2, Flowers 0.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?