96

By

Abad, Singson sabit sa DPWH scam

Sharing is caring!

Panibagong kontrobersiya na sangkot ang mga gabinete ng dating administrasyong Aquino ang isiniwalat ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II.

Ito ay ang scam tungkol sa pekeng road right-of-way claims para sa mga proyekto ng gobyerno sa General Santos City na nagkakahalaga ng P8.7 bilyon kung saan dawit umano sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at dating Budget Secretary Florencio Abad.

Ayon kay Aguirre, hawak na ng DOJ ang testigo sa nasabing scam.

Ang isyu ay iniimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI).

Modus umano ng mga sangkot sa scam ang pagsusumite ng mga pekeng titulo ng lupa sa mga private property na pagtatayuan umano ng proyekto ng gobyerno para makakuha sila ng claim mula sa DPWH.

“The modus operandi of this syndicate is that it claims for ‘just compensation’ of road right of way which are intended for rightful owners who were affected by national highway construction at General Santos City,” paliwanag ni Aguirre.

Dagdag pa ng kalihim, inaprubahan ni Singson ang mga hiling na kabayaran para sa mga pekeng claim, habang inaprubahan naman ni Abad ang pagpapalabas ng pondo para sa pekeng claim sa road right-of-way.

Posible umanong maharap ang dalawang dating mga miyembro ng gabinete sa kasong pandarambong.

Ayon sa testigo, nagsimula ang paninindikato sa road right-of-way claim noon pang 2009 kung saan isa sa mga claim ay umabot pa sa P29 milyon.

“Some of the persons named by our witness as being involved is a Wilma Mamburam, Col. Chino Mamburan, Merceditas Dumlao and Nelson Ti. Our witness further revealed that Mr. Nelso Ti, the financier of the group is a close relative of Domingo Lee, Philippine Envoy to China, and is supposedly close to former President Benigno Aquino III,” dagdag pa ni Aguirre.

Pero bukod kina Singson at Abad, naisakatuparan umano ang modus dahil sa partisipasyon ng mga opisyal mula sa Bureau of Internal Revenue, City Assessor’s Office of General Santos, Registry of Deeds, Commission on Audit at mga mababang hukuman.

Kaugnay nito, pinakikilos na ni Aguirre ang NBI para siyasatin kung ang nasabing scam ay nangyari sa iba pang bahagi ng bansa. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?