16

By

8 BIFF member patay sa magkahiwalay na engkuwentro sa Maguindanao

Sharing is caring!

Nasawi ang walong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa magkahiwalay na military operations sa Maguindanao kamakalawa.

Ayon kay 6th Infantry Division Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, ang unang grupo ng mga nasawi ay mga tauhan ni Commander King Metin, ang Bungos Faction ng BIFF sa Maguindanao.

Namatay aniya ang mga ito matapos ang 35-minutong sagupaan sa pagitan ng 57th Infantry Battalion sa Brgy. Meta, Datu Unsay, Maguindanao.

Dalawa sa limang bandido na nasawi ay narekober ng militar ang bangkay.

Kinilala ang mga ito na sina Turman Aber at Mansor Mohammad habang binitbit ng kanilang mga kalaban ang tatlo pang nasawi na sina Yaser Yusop, Mutin Talib at isang Mamalu at inilibing sa Sitio Lab, Brgy. Kuloy, Shariff Aguak.

Nakuha rin sa pinangyarihan ng engkuwentro ang M16 rifle, M653 rifle, M203 grenade launcher, magazines at ammunitions.

Samantala, nagkaputukan naman ang tropa ng 34th Infantry Battalion at mga armadong grupo sa Sitio Macantal, Brgy. Olandang, Midsayap, North Cotabato.

Sinabi ni Sobejana na habang nagmamanman ang mga sundalo sa bahay ni Mando Mamalupong, alyas DM, isa sa BIFF sub commander, nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan.

Gumanti naman ng putok ang mga sundalo na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong indibiduwal.

Kinilala itong sina Norman Kanapia, miyembro ng BIFF; Pinidiza Tumagantan, biyenan ni Commander DM at logistic provider ng BIFF; at Aida Dalgan, supporter at kapatid ng asawa ni Commander DM.

Sugatan naman sina Abad Tumagantang at Rashid Dalgan Tumagantang, mga miyembro ng BIFF.

Nakuha ng militar sa pinangyarihan ng sagupaan ang 1 M16 rifle, 3 hand grenades, 1 IED, 1 binocular, 1 kalibre .45 pistol, 3 cell phones, 1 tablet, at iba’t ibang magazines at mga bala. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?