34
bylines-milky-rigonan
Nov 24, 2017 @ 13:02

Teleserye ng MRT

By Milky Rigonan

Kadalasan, karamihan sa mga taga-gobyerno nakakalimutan na ang salitang ‘delicadeza’.

Kahit palpak na sa kanilang tungkulin o ‘di naman kaya ay nasasangkot na sa isyu ng katiwalian, kapit-tuko pa rin sa kanilang puwesto.

Pero kahapon, muling narinig ang salitang ‘deli­cadeza’ nang magsumite ng kanyang irrevocable resignation si Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez.

Kahiyaan na raw kaya inako ni Chavez ang magkakasunod na aberya sa MRT gaya ng pagkaputol ng braso ng isang babaeng pasahero at ang pinakahuli ang pagkalas ng bagon sa pagitan ng Buendia at Ayala stations.

Kahanga-hanga ang ginawa ni Chavez pero sa kabilang banda, symptoms ito ng mas malaking problema sa DOTr.

Ayon kay Senator Grace Poe, Chairman ng Committee on Public Services, bukod sa delicadeza, may mas malalim na dahilan kaya nagbitiw sa kanyang tungkulin si Chavez.

Maraming faction sa DOTr at ayon sa sources, may bangayan ang ilang opisyal ng ahensiya.

Batay pa sa sources,­ marami umanong nasagasaan si Chavez sa mga ibinulgar nitong anomalya sa MRT operations kaya ang mga pasahero ang umaako ng perwisyo sa araw-araw na biyahe ng MRT.

Dahil dito, tulad ng operasyon ng MRT, kailangan din ang complete overhaul sa liderato ng DOTr.

Isa’t kalahating taon­ na sa kanyang puwesto­ si DOTr Secretary Art Tugade pero wala pang naisasakatuparan sa mga plano nito.

Bukod sa operasyon ng MRT wala pa rin aksiyon ang ahensiya sa paglutas sa problema ng public transport at traffic.

Umeksena ang DOTr nang kasuhan ng plunder ang mga dating Cabinet members ni dating Pa­ngulong Noynoy Aquino sa pangunguna nina da­ting DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya­ at da­ting DOTC at da­ting DILG Secretary Mar ­Roxas at labing-apat na iba pa dahil sa umano’y maanomalyang maintenance contract ng MRT-3.

Talaga namang bahagi­ ng problema ang mga dating opisyal ni PNoy sa palpak na operasyon ng MRT, ang aksiyon at solusyon ng DOTr ang hinihintay ng mga pasahero sa halip na isisi ang araw-araw pa ring problema ng mga bagon sa da­ting mga opisyal ng nagdaang administrasyon.

Dapat din kaya maisip ni Tugade ang salitang delicadeza?

Habang hindi naaaksiyunan ang mga problema sa DOTr, paulit-ulit at mistulang teleserye ang mga kapalpakan sa operasyon ng MRT.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?