359
fire
Nov 3, 2019 @ 22:28
By

90 pamilya naabo ang bahay sa sunog sa Commonwealth talipapa

Umaabot sa 90 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos masunog ang isang residential area at talipapa sa Commonwealth Avenue, Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay SFO3 Rolando Valeña, Investigator ng QC BFP, nagsimula ang sunog sa isang residential area na gawa sa light materials sa Kaunlaran Street. Mabilis kumalat ang apoy at nadamay ang kalapit na Datu Tahil Talipapa.

Pasado alas-5:57 ng hapon (November 3) nang sumiklab ang sunog mula sa isang bahay na nasa kalagitnaan ng residential area at mabilis na kumalat ang apoy sa katabing talipapa na katapat din ng Litex Market.

Bandang alas- 6:31 ng gabi nang ideklarang under control ang sunog kung saan labis na naabo ang mga kabahayan dahil pawang gawa sa light materials ang mga ito.

Ayon kay Valeña, batay sa kwento ng nakakita sa sunog, may illegal connection ng kable ng mga kuryente sa naturang residential area.

Kwento ng tinderang si Irene Bendicio, nagtitinda siya ng asin nang biglang lumiyab ang gilid ng talipapa at nagtakbuhan na ang mga tao.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na sumiklab bago mag alas sais ng gabi at tumagal ng mahigit isang oras.

Inaalam pa ng ng arson investigators ng BFP kung saan bahay at paano nagsimula ang pagkalat ng apoy na patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Wala naman iniulat na nasugatan sa nasabing sunog na tinatayang umaabot sa P150,000 ang halaga ng mga naabong kagamitan at paninda.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?