magdalo-gary-alejano
By

90 milyong Pinoy nadudurog na sa TRAIN law

Sharing is caring!

Hindi na ako nagtataka sa resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia na 86% sa mga Pilipino ang apektado na sa pagtaas ng mga bilihin dahil sa Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Sa kabila nito tila kibit-balikat lamang ang administrasyong Duterte sa mga hinaing ng taumbayan ngayon.

86% na ng mga Pilipino o humigit-kumulang 90 milyon katao ang umaalma na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ang inflation rate noong Abril ay pumalo na sa 4.5% – pinakamataas sa nakalipas na limang taon.

Mula Enero 2018 hanggang Mayo 1, 2018, tumaas na sa P8.05 ang kada litro ng diesel, habang ang gasolina na dating walang buwis ay tumaas na ng P7.27 ang kada litro matapos patawan ng value added tax (VAT) sa ilalim ng TRAIN Law. Sa kerosene naman, P8.86 ang naidagdag sa presyo sa loob ng limang buwan. Hindi pa kasama diyan ang LPG na patuloy din ang pagtaas ng presyo kada kilo.

Ang National Food Authority (NFA) rice na dating P36.69 bago umupo bilang Pangulo si Duterte ay P39.97 na ngayon at nagkakaubusan pa. Habang ang palitan naman ng dolyar na P46.18=US$1 bago siya naging Pangulo ay P52.04=US$1 na ngayon.

Sa pagkain, tumaas na sa 5.3% ang halaga mula sa 2.7% noong 2017. Kaya naman paliit nang paliit ang budget ng mga tao at wala silang magawa kundi lalo pang maghigpit ng sinturon para maitawid ang pang-araw-araw nilang pangangailangan. Paano pa kaya ang magiging lagay ng mga kababayan natin kapag inaprubahan na ang petisyon ng mga transport groups na humihingi ng dagdag na pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo?

Ito ang mga dahilan kung bakit namin tinututulan ang TRAIN Law o Republic Act 10963 sa simula pa lamang. Subalit ipinilit pa rin ng administrasyong Duterte sa sambayanang Filipino ang pahirap na tax plan na ito.

Alalahanin natin na ang mga indikasyong aking nabanggit ay nararanasan na sa unang limang taon pa lamang ng pagpapatupad ng TRAIN Law. Ano pa an gating aasahan sa mga susunod na mga buwan? May mga ulat na papalo pa sa 6% ang inflation rate sa darating na mga buwan. Isipin na lang natin kung gaano kalaking dagok nito sa lahat ng mga Filipino lalo na sa mga mahihirap na bawat piso ay may napakalaking halaga na.

Kaya naman ako ay maghain ng resolusyon sa Mababang Kapulungan upang siyasatin ang nagiging epekto ng TRAIN Law sa ating mga mamamayan ngayon. Sa maikling panahon lamang ay grabe na ang pahirap ng TRAIN Law sa ating mga kababayan. Nawa’y aksyunan ito sa Kongreso dahil lahat ng mga Filipino ang apektado at nababahala dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?