164

Feb 6, 2018 @ 8:44
By

9 wanted sa Central Luzon, arestado

Siyam na wanted sa Central Luzon na may mga mabibigat na kasong kinakaharap ang nadakip ng Police Regional Office-3 (PRO-3) makaraang paigtingin pa ang kampanya at pagsuyod laban sa mga most wanted person sa Bataan, Bulacan, Tarlac at Pampanga ng kamakalawa.

Base sa report ng pulisya, nakilala ang mga nadakip na sina Mark Steven Fernandez, 30, binata, maintenance sa Tamarind Ridge ng Orani, dahil sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property; Randy Diwa, 30, na may kasong Act of Lasciviousness, at kanyang kasamang si Jornie Samson, 28, may kasong two counts of rape, at kapwa nakatira sa Brgy. Upper Tuyo, Balanga City, pawang sa Bataan.

Nakorner din ng pulisya si Jethro Tunacao, 23, binata ng Brgy. Bayan-Bayanan, Orani sa lalawigan pa rin ng Bataan, dahil sa kasong frustrated homicide, habang nasukol naman sina Jonnel Barcena, 25, may asawa, pintor, ng Brgy. Pitpitan, Bulakan, na may kasong child abuse, at Eugenia Ignacio, ng Brgy. Tibagan, Bustos, kapwa sa Bulacan, na may kasong estafa at illegal recruitment.

Hindi na rin nakapalag sa awtoridad si Webster Tubio, ng Brgy. San Miguel, San Manuel, Tarlac, nang arestuhin sa kanyang tirahan dahil din sa kasong estafa, habang sa Pampanga ay nadakip naman si Aiko Onofre, 26, binata, ng Brgy. Sapang Biabas, Mabalacat City, dahil sa kasong illegal drugs, at nasukol naman si Engr. Alan Navarro, 35, may asawa, ng Brgy. Paralaya, Porac, dahil sa kasong Violence Against Women and their Children Law.

Ang lahat ng mga suspek ay nadakip dahil sa bisa ng warrant of arrest na isinilbi ng Central Luzon police at pawang nakapiit ngayon habang tiniyak ng kapulisan sa rehiyon na patuloy nilang tutugisin ang mga most wanted person na nagtatago sa batas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?