58

Jan 15, 2021 @ 20:46
By

9 pulis sangkot sa pagpatay sa 4 sundalo inisyuhan na ng warrant of arrest

Naglabas na ng warrant of arrest laban sa siyam na pulis na dawit sa pagkasawi ng apat na sundalo noong Hunyo sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maliban sa arrest warrant, ay naglabas din ng hold departure order laban sa mga suspek upang matiyak na hindi makakalabas ng Pilipinas.

Dati ay nasa kustodiya ng Philippine National Police ang siyam na pulis pero pinalaya matapos wala pang naisyu na arrest warrant laban sa kanila ang korte at masibak sa serbisyo.

Kasong murder at planting of evidence ang isinampa ni National Bureau of Investigation officer in charge Eric Distor laban kina Senior M/Sgt. Abdelzhimar Padjiri; M/Sgt. Hanie Baddiri; S/Sgt. Iskandar Susulan; S/Sgt. Ernisar Sappal; Cpl. Sulki Andaki; Pat. Mohammed Nur Pasani; S/Sgt. Almudzrin Hadjaruddin; Pat. Alkajal Mandangan at Pat Rajiv Putalan.

Sila ang sinasabing nakapatay sa mga sundalong sina Maj. Marvin Indammog; Capt. Irwin Managuelod; Sgt. Jaime M. Velasco at Cpl. Abdal Asula, na nagsasagawa ng intelligence at monitoring operations laban sa umano’y dalawang suicide bomber nang mangyari ang pamamaril.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?