20

Jan 12, 2021 @ 17:03
By

9 pulis Jolo laya na; AFP ‘di natuwa

Pinakawalan na ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang kustodiya ang siyam na pulis na sangkot sa pamamaril sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong Hunyo 2020.

At hindi natuwa sa balita si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Gilbert Gapay. Si Gapay ang dating hepe ng Philippine Army, ang yunit ng apat na nasawing sundalo.

“The AFP Chief-of-Staff General Gilbert Gapay is extremely disappointed with the release from custody of nine members the PNP who are respondents to the murder of 4 Army Intelligence personnel who were on an anti-terrorism mission when they were gunned down in downtown Jolo,” sabi ng AFP sa isang pahayag.

Magugunitang kinumpirma ni PNP chief Gen. Debold Sinas na inaprubahan niya ang pagkakasipa sa serbisyo ng siyam na parak na sina:

– Police Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri
– Police Master Sergeant Hanie Baddiri
– Police Staff Sergeant Iskandar Susulan
– Police Staff Sergeant Ernisar Sappal
– Police Corporal Sulki Andaki
– Patrolman Mohammad Nur Pasani
– Police Staff Sergeant Almudzrin Hadjaruddin
– Patrolman Alkajal Mandangan
– Patrolman Rajiv Putalan

Ani Sinas, kapag natanggal na sa PNP, magiging sibilyan na lang ang mga naturang pulis at wala nang legal na basehan para idetine pa ang mga ito.

Samantala, sabi ni Office of the Prosecutor General spokesperson Honey Delgado, hindi pa rin nagi-isyu ang korte ng warrant of arrest isang linggo matapos isampa ang mga kasong murder at pagtatanim ng ebidensya laban sa siyam na pulis.

“It is only unfortunate that despite the DOJ’s filing online of a multiple murder case before the Regional Trial Court in Jolo last 04 January 2021, no Warrants of Arrest have been issued by the court,” ayon pa sa AFP.

Dagdag ni Delgado, posibleng naapektuhan ng lockdown sa Sulu ang operasyon ng korte roon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?