117

Oct 26, 2017 @ 14:47

9 pang suspek sa Atio case, pinangangalan ng witness

Siyam na mga bagong pangalan ang ibinunyag ni Marc Ventura na ayon sa kanya ay naroon sa initiation rites sa Aegis Juris Library noong madaling araw ng September 17 kung saan namatay si Horacio “Atio” Castillo III.

Si Ventura ang isa sa mga respondent sa kaso ni Atio pero isinailalim na sa Witness Protection Program matapos magpasya na magsabi ng katotohanan sa nangyaring hazing rites.

Sa anim na pahinang affidavit ni Ventura, kasama sa mga bagong pangalan na naroon sa final rites ay sina: Edric Pilapil; Zach Abulencia; Daniel Ragos; Dave Felix; Sam Cagalingan; Alex Cairo; Luis Kapulong; Kim Cyrill Roque; Ged Villanueva at Babaeng kasama ni Alex Bose na hindi myembro ng Aegis Juris.

Ang mga nasabing indibidwal ay hindi pa kasama sa mga nasampahan ng reklamo sa Department of Justice kaugnay ng pagkamatay ni Atio.

Sa kabuuan, 23 indibidwal ang pinangalanan ni Ventura na naroon sa initiation rites at kabilang dito sina Arvin Balag; Ralph Trangia; Oliver John Audrey Onofre; Mhin Wei Chan; Daniel Hans Matthew Rodrigo; Karl Matthew Villanueva; Joshua Joriel Macabali; Axel Munro Hipe; Marcelino Bagtang; Zimon Padro; Jose Miguel Salamat; Leo Lalusis; Alex Bose at Robin Ramos

Nauna nang tinukoy ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre na base sa paglalahad ni Ventura tumagal ng mahigit tatlong oras ang initiation rites na sinimulan sa pamamagitan ng pagsuntok sa braso ni Atio na sinundan ng paghampas ng spatula na pangluto para makalma ang kalamnan ni Atio.

Ang pinal na pananakit kay Atio ay sa pamamagitan ng pagpalo sa likuran ng kanyang hita ng paddle.

Sa ikalimang beses umano na pinalo si Atio ng paddle, doon na siya napasubsob at nagcollapse. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?