84

Nov 24, 2017 @ 8:36
By

9 na pasaway, dinampot sa QC

Sa loob ng 24 oras na pagpapatrulya ng mga tauhan Quezon City (QCPD), ang siyam na katao na umano’y mga pasaway sa lungsod, sa patuloy na ‘anti-criminality’ campaign’ na isinagawa ng mga awtoridad sa lungsod.

Batay sa report ni QCPD Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, P/Dir Oscar D. Albayalde, nadakip ng Masambong Police Station (PS-2), sa ilalim ni PSupt Carlito Mantala, ang suspek na si Jesus Garcia, 49-anyos, residente ng Brgy., Bagbag, dahil sa pagnanakaw ng designer bag na nagkakahalaga ng P1,299.75 at isang drone air camera na nagkakahalaga naman ng Php4,499.75.

Hinuli naman ng Batasan Police Station (PS-6), sa ilalim ni PSupt Rossel Cejas, ang suspek na si Jopel Jerodias, 35-anyos, residente ng Brgy., Payatas B., sa Sierra Madre St., Brgy., Payatas B., dahil sa paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ra 9516 (Illegal Possession of Explosives).

Nakumpiska kay Jerodias ang isang kalibre .38 Smith at Wesson revolver na may limang bala at isang granada.

Nahuli rin ng operatiba ng PS-6 sa bisa ng warrant of arrest si Lisa Regido, 26 y/o, ng No. 917D Medanton Bldg., Aurora Blvd., sa kasong qualified theft dahil sa pagpepeke ng commercial documents.

Arestado naman ng Cubao Police Station (PS-7), sa ilalim ni PSupt Louise Benjie Tremor, si Amy Gonzales, 31-anyos, residente ng Brgy., Pasong Tamo, dahil sa pangingikil at estafa.

Kalaboso naman sa Kamuning Police Station, sa pamumuno ni P/Supt Christian Dela Cruz, ang suspek na si Jeffrey Dayta, 21-anyos, residente ng Brgy., South Triangle, dahil sa pagnanakaw ng Samsung phone ng biktimang si Francis Glenn Matua habang kumakain sa isang restaurant sa QC.

Nadakip naman ng Police Station 10 ang suspek na si Sandro David, 46-anyos, miyembro ng Sputnik Gang, at residente ng Brgy., South Triangle, dahil sa pagdadala ng siyam na pulgadang balisong.

Habang ang Eastwood Police Station (PS-12), sa ilalim ni P/Supt Wilson Delos Santos, ay naaresto naman ang dalawang bebot na sina Lanilyn Maqui, 23-anyos, at Catherine Narboneta, 35-anyos, sa kasong estafa.

Nagpakilala si Maqui kay Dionisio Madamba Jr., Senior Sales and Service Engineer of Global Medical Solutions Inc., bilang representative ng Olongapo Healthcare Specialist Diagnostics na nandoon upang kunin ang 14 bags ng Microvette 200 na inorder ni Narboneta.

Nang i-verify ni Madamba na walang produkto na Microvette ang inoorder mula sa kanila. Mabilis na humingi ng tulong si Madamba sa mga security guard na humingi rin ng tulong sa BPSO dahilan para madakip ang mga suspek.

Samantala, isang menor-de-edad naman ang naaresto ng PS-1 dahil sa paglabag sa curfew hours. Dinala ito sa mga opisyal ng barangay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?