79

Oct 3, 2017 @ 17:42

9 arestado sa gun ban – Comelec

Umabot na sa siyam ang bilang ng mga nahuling lumabag sa gun ban at sa pagbabawal na magbitbit ng patalim na ipinatutupad sa panahon ng election period mula October 1 hanggang 30 dahil sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Ito ay batay sa pinakahuling ulat na natanggap ng Commission on Elections (COMELEC) Gun Ban Committee mula sa Philippine National Police (PNP).

Ayon sa isang pahinang memorandum, dalawa ang nadakip mula sa Ilocos Sur; isa mula sa Rodriguez, Rizal; dalawa mula sa Iloilo City at Malay; isa mula sa Mambusao, Capiz at tatlo mula sa Alcoy Cebu.

Anim na mga baril naman ang nakumpiska, at dalawang patalim ang nasamsam.

Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang mga lalabag sa gun ban ay papatawan ng parusang hanggang anim na taong pagkabilanggo.

Kaugnay nito, ipina-aalala ni COMELEC Spokesperson James Jimenez na ang mga taong kinakailangang magbitbit ng baril, pati na ang mga may security personnel na dapat silang mag-aplay ng exemption sa gun ban sa poll body.

“The Commission reiterates the need for persons with firearms or who employ security personnel to apply for gun ban exemptions. This is particularly relevant in light of the PNP Chief’s recent statement regarding the PNP’s commitment to enforcing the ban,” ang paalala ni Jimenez. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?