83

Jan 19, 2021 @ 11:40
By

89 kapitan na sinuspinde sa SAP na-shout out

Binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangalan ng 89 barangay captain na sinuspinde ng Office of the Ombudsman dahil sa anomalya sa pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP) sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang regular na mensahe sa bayan, sinabi ng Pangulo na anim na buwang suspendido ang pinangalanang barangay captains dahil seryoso ang reklamo sa mga ito na babagsak sa malversation of funds.

“Pera ito eh. Either pera na ibinulsa ninyo o hindi ninyo ginamit o kung anong kabulastugan ang ginawa ninyo sa pera contrary to my injunction na huwag na huwag ninyong gawain yan,” anang Pangulo.

Nagbabala na aniya ito bago ipamahagi ang SAP na huwag pag-interesan ang pera dahil para ito sa mga mahihirap pero mayroon pa ring natukso at kinontrol ang pondo.

“Itong mga barangay captain I warned you, pag-umpisa pa lang sinabi ko , do not fuck with this, itong pera sa pantawid para sa mga mahirap. Sinabi ko na lalo na sa barangay level, huwag na huwag ninyong gawin,” dagdag ng Pangulo.

Sa ngayon ayon sa Presidente ay suspendido muna ang 89 barangay captains habang iniimbestigahan ang mga ito, at kapag napatunayang guilty, hihilingin niya sa Ombudsman na idismiss sila sa serbisyo.

Kapag nasibak sa serbisyo, sinabi ni Duterte na hindi na maaaring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno ang mga kapitan, kahit na pagiging water boy sa barangay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?