39

Feb 17, 2020 @ 15:05
By

82 video karera dinurog sa Las Piñas

Winasak sa pamamagitan ng backhoe ang may 82 video karera machines na nakumpiska ng mga tauhan ng Las Piñas City Police nitong Lunes ng umaga sa harap mismo ng Las Piñas City Hall.

Ipinakita ni Police Col. Segundo Lagundi, hepe ng Las Piñas Police, kay Mayor Imelda “Mel” Aguilar ang nasabing mga video karera machine habang ang mga ito ay winawasak.

Ayon kay Col. Lagundi, nakumpiska ang mga video karera simula noong Enero 2 nang simulan nila ang “One-Time Bigtime” operation laban sa iligal na sugal sa magkahiwalay na barangay sa lungsod ng Las Piñas.

Inaresto rin sa magkahiwalay na operasyon ang nasa 23 katao na sangkot sa iba’t ibang kaso na may kaugnayan sa iligal na droga at iligal na sugal.

Ikinatuwa naman ni Mayor Aguilar ang pagsusumikap ng mga tauhan ng Las Piñas City Police na masawata ang iligal na sugal sa lungsod at pati na rin ang pagsugpo sa iligal na droga.

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga pasimuno ng iligal na sugal kasama na rito ang 23 katao na sangkot sa iba’t ibang krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?