28

Apr 8, 2021 @ 17:55
By

80 sumakay ng kolorum patungong Bicol nagpositibo

Nasa 80 pasahero na galing ng Metro Manila at dumating sa Bicol Region lulan ng mga kolorum na sasakyan ang na-test na positibo sa coronavirus.

Kasunod ito ng pagbunyag ng Department of Transportation (DOTr) tungkol sa pagpupuslit ng mga pasahero ng mga kolorum na sasakyan papunta sa ibang rehiyon sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

“Nakakalungkot na sa kabila ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa, may iba pa rin tayong mga kababayan na pumupuslit sa iligal na paraan,” pahayag ni DOTr Asec. Mark Steven Pastor sa virtual press briefing ngayong Huwebes.

Kaya naman paalala ni Pastor sa mga gustong bumiyahe, na gumamit ng mode of transportation na hindi magiging daan sa transmission ng COVID-19.

“Nais man po natin na bumiyahe at umuwi sa ating pamilya, siguraduhin natin na gumamit tayo ng mode of transportation na hindi magiging transmission vector dahil ayaw natin na may bitbit tayong virus sa kanila,” wika niya.

Samantala, mayroon na aniyang 178 kolorum na sasakyan ang kanilang nahuli at ng Inter-Agency Council for Traffic simula Enero ngayong taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?