84

Oct 21, 2017 @ 15:41

8 tindera kinasuhan ng estafa

Himas-rehas ngayon ang walong tindera makaraang arestuhin ng Pateros Police Station nang hindi mabayaran ang malaking halaga ng pera na kanilang inutang sa isang negosyante, kahapon sa naturang lugar.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario ang mga nadakip na sina Luz Ulila, Mercedita Mina, Lorenie Baterna, Zenaida Manipon, Zibeth Aquino, Gloria Portodo, Angie Suarez at Elizabeth Jalbuna, kapwa nasa hustong gulang at naninirahan sa Barangay San Roque, Pateros.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni Sr. Insp. Jervin Galvez, ng Pateros Police, dakong alas-dos ng hapon nang isagawa ang entrapment operation sa loob ng isang fast food chain sa tapat ng San Roque Church sa nasabing lugar.

Base sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang “Michael”, 45-anyos, negosyante, noong nakaraang buwan ay humiram ng P1.3 milyon ang walong tindera sa kanya para sa kanilang puhunan ngunit makalipas ang isang buwan ay hindi umano naghulog ang mga ito.

Ilang beses umanong naningil si “Michael” sa mga ito subalit hindi siya binabayaran bagkus ay tinatakot pa.
Sa halip na magbayad, nanghiram muli ng halagang P200,000 ang mga ito.

Nagbanta ang mga suspek sa biktima na kung hindi sila pauutanging muli ay hindi nila babayaran ang naunang inutang na P1.3 milyon.

Dito na nagpasyang magsumbong ang biktima sa mga awtoridad kung saan nagkasa ng entrapment operation laban sa mga suspek.

Pumasok sa isang fast food chain ang mga suspek na nagpanggap na customers upang makipagkita sa biktima para kunin ang P200,000 na hinihiram ng mga ito.

Nang aktong iaabot na ng biktima ang nasabing halaga, dito na dinakma ng mga pulis at pinosasan ang mga tindera.

Depensa ng mga nasakote, nagkaroon sila ng problema kaya’t hindi nila agad nabayaran ang inutang sa biktima.

Hindi kinagat ng mga pulis ang alibay ng mga suspek at agad ikinulong sa detention cell.

Sasampahan ng kasong estafa at extortion ang mga nasakote. (Armida Rico)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?