108

Dec 23, 2019 @ 15:02
By

8 tigok, higit 300 naospital sa lambanog sa Laguna

Dahil umano sa pag-inom ng “nakalalasong” lambanog sa Rizal at Nagcarlan, Laguna kaya namatay ang walong katao at naospital ang 309 iba pa nitong Linggo, Disyembre 22.

Sa ngayon, may mga biktimang nasa Philippine General Hospital (PGH) na at may mga sinusugod pa.

Ayon sa Rizal MPS sa ulat ng GMA News, galing sa iba’t ibang party at inuman ang lahat ng mga biktima simula Huwebes hanggang Linggo, ngunit isa lang ang pinagbilhan nila ng lambanog.

Nakaranas ang mga biktima ng panlalabo ng paningin, pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagkahilo, ayon mismo sa kanilang mga kamag-anak.

Dahil dito, pansamantalang pinagbawal na ni Laguna Gov. Ramil Hernandez ang pagebebenta ng lambanog habang nangyayari ang imbestigasyon.

Ngayong Lunes, Disyembre 23, humarap na sa pulisya ang tinuturong supplier ng “nakalalasong” lambanog at umamin na sa kanila nga galing ang biniling alak ng mga biktima sa isang tindahan sa Rizal, Laguna.

Nakatakda umanong dalhin ang mga sample ng tirang lambanog sa Food and Drug Administration upang masuri.

Samantala, sinabi ng Rizal MPS na posibleng maharap sa kasong negligence resulting to multiple homicide and physical injuries ang manufacturer at distributor ng nabanggit na lambanog,

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?