sereno2
By

8 SC justices, tutuluyang ipa-impeach sa Kamara

Sharing is caring!

Desidido ang independent minority bloc o grupong Magnificent 7 na maghain ng impeachment complaint laban sa walong mahistrado ng Korte Suprema na pumabor sa quo warranto petition laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na ikakasa nila ang complaint sa sandaling maging pinal ang desisyon ng Supreme Court sa quo warranto o kung ibabasura nito ang ihahaing motion for reconsideration ni Sereno.

Ayon kay Lagman, mapipilitan ang House justice committee na talakayin ang ihahain nilang complaint dahil malakas at mabigat ang basehan nito.

Mangangampanya rin umano sila sa mga kapwa kongresista sa break ng sesyon para makahatak ng maraming suporta.

Sa joint statement na inilabas ng grupo, binigyang-diin na hindi dapat palampasin ang paglabag na ginawa ng walong mahistrado kaya dapat panagutin ang mga ito sa pamamagitan ng impeachment.

Pasok umano sa culpable violation of the constitution ang naging hakbang ng SC justices dahil inagaw ng mga ito ang kapangyarihan ng Kongreso na mag-impeach ng punong mahistrado at sinagasaan ang poder ng Judicial and Bar Council.

Kailangang managot din umano ang mga ito sa betrayal of public trust dahil sa hindi pag-inhibit sa kabila ng lantad na bias laban kay Sereno.

“The supreme people must have a way of penalizing errant Justices to ensure that justice prevails and the integrity of the Supreme Court and the independence of the Judiciary are restored,” saad sa joint statement ng Magnificent 7.

“The only viable remedy and constitutional mode of holding justices accountable for their blunder is to remove them from office by impeachment,” ayon sa grupo.

Ang walo na gustong ipa-impeach ng independent minority ay sina Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martirez, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?