163
8 sasakyan nasunog sa parking lot
Aug 12, 2019 @ 14:37
By

8 sasakyan nasunog sa parking lot

Walong sasakyan ang natupok matapos ang 10-minutong sunog sa isang parking lot sa Pasig City, Lunes ng umaga.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Pasig, dakong alas-8:20 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang Armando Jimenez, caretaker ng isang parking lot na matatagpuan sa Barangay Kalawaan ng nabatid na lungsod hinggil sa isang sunog.

Mabilis namang rumisponde ang mga bumbero sa lugar kung saan agad nilang pinatay ang apoy sa mga nasusunog na sasakyan na kinabibilangan ng isang Montero SUV, 6 na pampasaherong dyip at isang motorsiklo.

Naideklarang fire out ang sunog na nagdulot ng malalang pinsala sa mga sasakyan dakong alas-8:30 ng umaga.

Sa ngayon, inaalam pa ng BFP kung ano ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng pinsala nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?