65

Sep 19, 2019 @ 15:55
By

8 NPA timbog sa checkpoint

Walong pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa isang checkpoint, Miyerkoles ng hapon sa Escalante City, Negros Occidental.

Iba’t ibang malalakas na uri rin ng armas at pampasabog ang nakumpiska sa mga ito.

Sa ulat ni Western Visayas Police Director Brig. Gen. Rene Pamuspusan, kinilala ang mga inaresto na sina Kenneth Serondo, 18; Clint Mangayon, 20; Joel Guillero, 40; pawang ng Escalante City; Leon Charito, 60; Bienvenido Ducay, 55; ng Toboso, Negros Occidental; Aiza Chavez, 32; Jonathan Cahintic, 21, at Albert Olid, 18.

Nabatid na dakong alas-singko ng hapon nang maharang ng pinagsanib na elemento ng Escalante City Police, 1st Negros Occidental Mobile Force Company at 79th Infantry Battalion ng Army sa checkpoint ang isang kulay berdeng pampasaherong SUV sa Barangay Jonob Jonob, Escalante City.

Ang nasabing behikulo na sinasakyan ng grupo ng mga rebelde ay patungo sa Barangay Balintawak, Escalante City nang mapansin ng mga operatiba sa checkpoint na isa sa mga pasahero ay nagkasa ng armas habang palapit ang nasabing behikulo.

Nakilala ang suspek na nagkasa ng baril na si Serondo at nakumpiska sa kanya ang isang cal .45 pistol, limang bala nito at 1 unit ng rifle grenade habang nakumpiska naman kay Mangayon ang isang caliber .45 pistol, 5 bala ng cal .45, isang unit ng rifle grenade at isang sako na may 21 bote at naglalaman ng gasolina bawat isa.

Nasamsam naman mula sa iba pang mga rebelde ang apat na cal. 45 pistol, 20 bala ng caliber. 45 at isang bote ng improvised dynamite, isang cal 9 MM, KG 9 submachine gun, 20 bala ng cal 9 mm, isang improvised dynamite, tatlong M203 grenade launcher, apat na bala ng cal. 38, rifle grenade, pamphlets at mga subersibong dokumento. Isinasailalim na sa masusing imbestigasyon ang mga nasakoteng suspek na nahaharap sa patong-patong na kaso dahil sa nakuhang mga baril at pampasabog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?