203
tax-evasion
By

8 korporasyon, hinahabol sa buwis

Sinampahan ng reklamong tax evasion sa Department of Justice (DOJ) ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang walong korporasyon at isang negosyante dahil sa bigong mabayarang buwis na umaabot sa mahigit isang bilyong piso.

Reklamong paglabag sa Section 255 ng National Internal Revenue Code o Willful Failure to Pay Taxes ang inihain ng BIR laban sa siyam na nabanggit.

Pinakamalaki sa hinahabol na utang sa buwis ay sa Ski Construction Group, Incorporated at mga opisyal nito mula sa Paseo de Roxas, Makati na umaabot sa P614.73 milyon para sa taong 2006.

Sumunod ang City Delight General Mercantile at mga opisyal nito sa Las Piñas City na may tax liability na P183.24 million para sa taong 2014.

Nasa mahigit P159 million naman ang hindi nabayarang buwis ni Anthony Flores Torres ng Monty’s Meat Shop sa Magallanes, Makati City para sa mga taxable year 2009 at 2010.

Tatlong counts ng tax evasion naman ang isinampa laban sa Crown Realty Company, Inc. at mga opisyal nito sa Pasong Tamo, Makati dahil sa hindi binayarang buwis na P117.63 million noong 2005, 2006 at 2010.

Kinasuhan din ng tax evasion ang Heltgard Hygiene Systems na may utang na P72 million na buwis, Concept Placement Resources na mahigit P62 million at Metals and Wires Manufacturing na halos P56 million na mga mula sa Muntinlupa, Makati at Taguig.

Hinahabol din ng BIR ang Auto Sport 24 Corporation at Starsky’s Entertainment na parehong mula sa Makati City.

Ayon sa BIR, tuluyang kinasuhan ang mga respondent dahil sa kabiguan na magbayad ng buwis sa kabila ng paulit-ulit na abiso sa mga ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?