137

Oct 9, 2017 @ 17:22

8 district collector, sinipa sa Customs

Walong district collector at 30 section chiefs ng Bureau of Customs (BOC) ang sinibak sa pwesto ni Customs Commissioner Isidro Lapena.

Kasama sa mga inalis sa pwesto bilang mga district collector sina: Elvira Cruz ng Port of Cebu; Romeo Rosales ng Port of San Fernando; Julius Premediles ng Port of Limay; Jose Naig ng Port of Iloilo; Carmelita Talusan ng Port of Subic; Divina Garrido ng Port of Legazpi; Helleck Valdez ng Port of Zamboanga at Tomas Alcid ng Port of Aparri.

Sa isang hiwalay na Customs Personnel Order, nabatid na 30 section chiefs mula sa Formal Entry Divisions (FED) ng Port of Manila at Manila International Container Port ang inalis sa pwesto at inilipat sa ibat ibang mga provincial collection district ng BOC.

Umaakto muna bilang mga hepe ng dalawang pantalan ang mga FED assistant chiefs.

“I personally monitor the ports including its daily collection performance and it is apparent from the records that benchmarking is still being used in the assessment of duties and taxes. This has to stop immediately,” pahayag ni Lapena kasunod ng iniutos niyang pagsibak.

Ang benchmarking ay ang ginagamit umanong paraan ng mga tiwaling kawani ng BOC para makakulekta ng tara.

“There will be more reshuffling if the BOC personnel will not cooperate in the reforms we are making. I told everyone there, I will work within the Bureau. I will be one with them. But we must be all moving in one direction, and that is removing corruption at all levels,” giit ni Lapena.

Samantala, kinumpirma rin ni Lapena na ilang opisyal mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na dating pinamumunuan ni Lapena ang ngayon ay nagsisilbi na sa BOC.  (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?