59

Jan 21, 2020 @ 16:59

8 barangay sakop ng mandatory evacuation – DILG

Nilinaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na hindi ang buong Tagaytay City ang nakasailalim sa sapilitang paglilikas dahil sa pagputok ng bulkang Taal.

Ang pahayag ng DILG ay dahil na rin sa kalituhang idinulot sa mga residente lalo na ang mga negosyo na hindi malaman kung maaari nang magbukas o hindi pa.

Ayon kay Malaya, sa walong mga barangay lang pinaiiral ang mandatory evacuation at mismong Phivolcs aniya ang tumukoy dito.

Kabilang sa mga barangay sa Tagaytay ay ang Bagong Tubig, Kaybagal South, Maharlika West, Sambong, San Jose, Silang Junction South, Maharlika East at Tolentino East.

Ang mga lugar na nasa matataas na bahagi ay maaari nang magbukas at nasa kamay na ng local government unit ang pagpapasya at pagtukoy para rito.

Kaugnay nito, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, patuloy pa ring umiiral ang 14-km radius danger zone mula sa main crater ng bulkang Taal.

Aniya, patuloy pa rin ang DILG sa pagmomonitor sa mga lugar na naapektuhan ng Taal Volcano na hanggang sa ngayon ay nasa Alert Level 4 pa rin at sa kasalukuyan ay wala namang naitatala pang casualties at looting simula noong Enero 12.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?