179

Mar 9, 2020 @ 18:07
By

8 ang lalaki: 10 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa puro Pinoy

Pawang mga Pilipino ang 10 kakukumpirma pa lang na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sa datos ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes ng hapon, Marso 9, 2020, nakasaad na walo sa sampung pasyente ay pawang kalalakihan na nasa edad 24 hanggang 72.

Ang dalawa namang babae ay edad 46 at 69.

Apat sa mga nagpositibong pasyente ang naka-admit sa Makati Medical Center; tig-dalawa naman ang sa Tricity Medical Center sa Pasig at sa UniHealth Parañaque Hospital; at tig-isa sa The Medical City sa Pasig, at sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa.

Tatlo sa 10 pasyente ang hindi bumiyahe sa ibang bansa at hindi nakahalubilo ng COVID-19 positive na indibidwal.

Sa kanila ring press release ngayong Lunes, sinabi ng DOH na nakolekta ang mga sample mula Marso 6 hanggang 8 at lumabas ang mga resulta ngayong Marso 9.

As of 12 PM ngayong araw, nakapagtukoy na ang DOH – Epidemiology Bureau ng 468 contacts para sa anim na naunang binalitang kaso. 113 umano rito ang nasuri na.

Sa 113, 107 ang isinailalim sa home quarantine habang anim ang tinukoy bilang patient under investigation (PUI) at naka-admit ngayon sa iba’t ibang mga ospital sa bansa.

Sa ngayon, 20 na ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?