47

7M Pinoy workers makikinabang sa tax reform ng gobyerno

Sharing is caring!

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang bersyon nito ng panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) o ang pagreporma sa sistema ng pagbubuwis sa bansa.

Ito ay matapos bumoto pabor sa panukala ang karamihan sa mga senador.

Ilan sa mga co-author ng TRAIN o ng Senate Bill 1592 sina Senate President Koko Pimentel, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, , Senate Majority Leader Tito Sotto, Senate Minority Leader Franklin Drilon, kasama ang mga senador na sina Cynthina Villar, Loren Legarda, Richard Gordon, Migz Zubiri, JV Ejercito, Nancy Binay, Bam Aquino, Chiz Escudero, Joel Villanueva at Sherwin Gatchalian.

Nakapaloob sa bersyon ng senado ang 31 senate bills, kabilang ang tatlong House bills at tatlong resolusyon ng Mataas na Kapulungan.

Sa inaprubahang Senate version, kabilang sa mga libre sa buwis ang unang P250,000 annual taxable income; ang 13th month pay at iba pang bonuses ng isang empleyado na aabot sa kabuuang P82,000 pababa. Dahil sa tax-free taunang income ng mga manggagawang kumikita ng P250,000 pababa, makatitipid o makapagtatabi na sila ng P21,000 taun-taon.

Dahil dito, makikinabang sa komprehensibong reporma sa buwis ang tinatayang 99 porsyento ng taxpayers sa bansa o 7.5 milyong individual tax payers.

“Sa kasaysayan ng pagbubuwis sa bansa, ito na ang pinakamalaking income tax relief na maipagkakaloob natin sa mga manggagawa. Mas malaking pera ang ilalagay natin sa bulsa ng mga Pinoy dahil ang gusto natin ay gawing patas ang ating income tax na sa pagdaan nang panahon ay hindi naging makatarungan,” ayon kay Angara, chairman ng senate ways and means committee na nanguna sa pagdinig ng tax reform sa Senado.

Sa pagtataya ng Department of Finance, sa pamamagitan ng bagong sistema ng pagbubuwis, maaaring kumita ang gobyerno nang mula P100B hanggang P127B kada taon. Tinataya namang 60% ng malilikom na halaga sa mga bagong buwis ang mapupunta sa imprastraktura habang 27 porsyento naman ang ilalalaan sa social protection programs tulad ng unconditional cash transfer sa mga pinakamahihirap na pamilya. Ang natitirang 13 porsyento ay ilalagak sa mga programa para sa military modernization.

“Ang repormang ito, hindi panandalian lang ang maitutulong sa atin. Mapapakinabangan natin ito sa mahabang panahon at marami sa ating mga kababayang salat sa buhay ang masusuportahan,” ayon kay Senate President Koko Pimentel.

Nilinaw naman ni Angara na hindi biro ang ginawang pagdinig ng kanyang komite sa tax reform package sapagkat bawat pagdinig ay umaabot nang hanggang 12 oras at umabot na nang ilang buwan. Hindi rin ito aniya, pinag-aralan ng iilang sektor lamang sapagkat kada pagdinig ay dinadaluhan ito ng mga miyembro ng iba’t ibang sektor na may kinalaman sa tax issues.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?