26

May 28, 2020 @ 9:53
By

7K COVID positive ‘di pa nauulat: MECQ sa NCR ituloy – UP study

Dapat pa ring isailalim sa modified enhanced community quarantine ang Metro Manila, at iba pang coronavirus high-risk area, dahil higit 7,000 pa ang COVID-19 positive na ‘di pa nababalita ng Department of Health.

Ito ang pagtingin ng mga mananaliksik ng Unibersidad ng Pilipinas.

Batay umano sa ulat ng 36 testing centers, may 7,119 pang indibidwal sa ‘Pinas na nagpositibo sa novel coronavirus pero hindi pa kabilang sa official count ng DOH.

Lumabas din sa kanilang pag-aaral na batay sa datos ng DOH, walang pagbabago sa week-to-week number ng bagong COVID-19 case sa Metro Manila sa unang 10 araw ng pagpapatupad ng MECQ (mula Mayo 16 hanggang Mayo 25).

Sa nasabing panahon, ang average number umano ng mga bagong COVID-19 case sa NCR ay lampas 5 sa kada araw, sa kada 1 milyon ng populasyon.

Dagdag pa, nagtala anila ang Makati, Las Piñas at Pasay ng pinakamalaking week-to-week increase sa bagong COVID-19 case, na tumaas nang 170%, 60% at 58%, ayon sa pagkakasunod kaysa sa nagdaang linggo.

Umakyat din ang bilang ng mga bagong coronavirus case sa Manila, Taguig, Muntinlupa, Caloocan at Pateros, ayon sa pag-aaral ng UP research team.

“While such increases cannot be attributed to MECQ at this time, there remains the possibility that a transition from MECQ to GCQ could exacerbate the increase in new Covid-19 cases in these LGUs further undermining the government’s efforts to control the transmission of COVID-19,” wika ni UP Diliman Political Science Assistant Professor Ranjit Rye, kasapi ng grupo.

“Given that the data received from DOH appears to have a lag, NCR remains a high-risk category. We recommend that the national government continue the MECQ in the NCR and consider the same in other high-risk areas,” aniya pa. “The reproduction number of NCR, which is oscillating at around 1.0 rather than showing a discernible decrease, is a sign that it might be premature to relax the MECQ to GCQ (general community quarantine).”

Matatandaang pumabor ang mga alkalde sa Metro Manila na ibaba na mula MECQ patungong GCQ ang lagay sa rehiyon simula sa Hunyo 1, na pagdedesisyunan naman ng COVID-19 Inter-Agency Task Force.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?