75
kulong-arrested
Dec 9, 2017 @ 18:29
By

7 tulak huli sa buy-bust sa QC

Nalambat ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang pitong sinasabing tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni QCPD Director, Police Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Wilmer Vingco, 31; Renz Ardaniel, 30; Joselito Bonaobra, 36; Bryan Ponce, 34; Frankie Narvaja, 41; Fernando Cruz, 44, at Michael Soriano, 37.

Unang nahuli sina Vingco, Ardaniel, Bonaobra, Ponce, Narvaja at Cruz sa buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng QPCD Station 1 na pinamumunuan ni Supt. Robert Sales dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa Brgy. Sto. Domingo, ng nasabing lungsod.

Si Soriano ay naaresto naman dakong alas-kuwatro ng madaling-araw ng mga tauhan ng QCPD Station 8 na pinamumunuan ni Supt. Ariel Capocao sa Burgos cor. Aurora Blvd., Brgy. Project 4, Quezon City.

Nakumpiska sa mga suspek ang iligal na droga na nagkakahalaga ng P100,000; marked money at drug paraphernalias.

Ang mga nabanggit na tulak ng iligal na droga ay nakapiit ngayon sa QCPD detention cell.

Ayon kay Gen. Eleazar, ngayong ibinalik na sa PNP ang kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga na katuwang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay lalo nilang paiigtingin ang kanilang pagtugis sa lahat ng hindi pa tumitigil na drug pusher sa Quezon City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?