562

By

7 top PDEA, PNP official, kasama sa bagong drug matrix ni Duterte

Sharing is caring!

Pitong matataas na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang bagong nadagdag sa listahan ng drug matrix na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa bagong drug matrix, tumatayong lider ng grupo ang isang Director Ismael Gonzales Fajardo Jr., Deputy Director General for Administration ng PDEA, at kilala sa drug community bilang scorer at recycler ng iligal na droga, at umano’y gumagawa ng mga kuwento tungkol sa kanilang illegal drug operations.

Si Fajardo ay sinibak na sa puwesto ni PDEA Director Aaron Aquino noong September 14, dalawang araw matapos maisumite kay pangulong Duterte ang drug matrix.

Miyembro naman ng nasibak na opisyal sina Pol. Sr. Supt. Eduardo Paderon Acierto, dating PNP Anti-Narcotics at tumatayong officer-in-charge ng nabuwag na PNP Anti-Illegal Drug Group, Pol. Sr. Supt. Leonardo Ramos Suan, PSupt. Lorenzo Cusay-Bacia, PInsp. Lito Torres-Pirote, PInsp. Conrado Hernandez Caragdag at SPO4 Alejandro Gerardo Liwanag.

Si Acierto ay isinasangkot sa pagpatay sa Korean National na si Jee Ick Joo sa loob mismo ng Kampo Crame subalit hindi ito nakasuhan noon dahil sa command responsibility matapos ipabuwag ni Duterte ang unit dahil sa naganap na insidente.

Batay sa matrix na inilabas ni Pangulong Duterte, si Fajardo ang gumawa ng mga istorya sa mga ginawa nilang drug operations sa iba’t ibang lugar sa bansa , kabilang na dito ang pagdawit kay Lt. Col. Ferdinand Marcelino nang paratangan itong nagmementine ng shabu laboratory sa Celadon residence noong January 2016.

Ilan sa mga kuwentong ginawa umano ni Fajardo ay ang kaso ng dalawang Chinese-Filipino sa Valenzuela City na inaresto dahil sa nasamsam na 35 kilos ng shabu subalit lumitaw sa imbestigasyon na dinukot ang mga ito sa warehouse at pinaamin na sa kanila ang nakumpiskang iligal na droga.

Lumabas din sa imbestigasyong ibinigay sa Pangulo ang 55 packs ng shabu na katumbas ay 55 kilos na nakuha sa mga naarestong suspek subalit ang ipinresenta lamang ay 36 packs, at ang natira ay kinupit umano ng grupo.

Inirekomenda sa matrix na isinumite kay Pangulong Duterte ang pagsailalim sa lifestyle check ang mga nabanggit na opisyal para matukoy kung saan nanggaling ang kanilang mga yaman at ari-arian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?