145

7 sugatan sa banggaan ng bus, van

Naudlot ang pagdalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay ng pitong pasahero na malubhang nasugatan sa nangyaring banggaan ng isang pampasaherong bus at van sa Commonwealth Ave., Quezon City kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Chief Insp. Roldante Sarmiento, hepe ng Traffic Sector 5 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU) ang mga nasugatan na sina Vilma Catacutan, 42, ng Sterling Drive, Caloocan City; Jake Hortillas, 33, ng No. 22 Pearl St., Merry Homes Subd., Caloocan City; Sarah Camille Palencia, 28, ng Blk. 11, Lot 11, Hillcrest Subd., Caloocan City; Sherlyn Linga, 36, ng Sto. Niño Ext., Brgy. Holy Spirit, QC; Rhonel Ayon, 34, ng Bagong Silang, Caloocan City; Karen Amatorio, 30, ng Brgy. Kaligayahan, QC; at Daryl Nicole Ispelingbergo, 19, ng Cristina Lane Diamond Village, QC.

Ang mga biktima ay isinugod sa East Avenue Medical Center ng mga rescue team ng traffic sector dahil sa mga tinamong mga pasa, malalalim na sugat at pilay sa katawan.

Agad namang sumuko sa pulisya ang mga driver na sina Alegre Dave, 36, ng Jayross Bus (TXM-703), at residente ng Tala, Caloocan City at Rada April Boy, 22, ng Toyota Hi-Ace van ( ADS- 3563) at residente ng Camarin, Caloocan City.

Base sa imbestigasyon, dakong alas-7:50 ng umaga nang maganap ang salpukan ng van at bus sa tapat ng tanggapan ng Commission on Audit (COA) sa Commonwealth Ave., QC.

Kapwa galing sa Philcoa, Diliman, QC ang Jayross Bus at Toyota Hi-Ace van at matulin na tumatahak patungo sa direksiyon ng SM Fairview subalit pagsapit sa tapat ng COA, bigla na lamang sinalpok ng van ang likurang bahagi ng bus.

Nabatid na ang mga biktima ay magtutungo sana sa sementeryo upang dalawin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?