38

Oct 5, 2021 @ 15:15
By

7 solon pinrotesta pagbawi sa UP-DND accord

Iprinotesta ng pitong mambabatas ang hakbang ng Kamara de Representantes na bawiin ang ginawa nitong pag-apruba sa panukalang pagsasabatas ng accord sa pagitan ng University of the Philippines and the Department of National Defense (DND).

Sumulat sina House Deputy Minority Leader and Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, Kabataan Rep. Sarah Jane Elago, ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas, Bayan Muna Representatives Ferdinand Gaite and Eufemia Cullamat at Quezon City Rep. Christopher Belmonte kay Speaker Lord Allan Jay Velasco upang ipahayag ang kanilang protesta.

Ang UP Security Bill (House Bill 10171) ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Setyembre 21. Walang tumutol dito at pinaboran ng 179 kongresista.

Ang kopya ng panukala ay ipinadala sa Senado noong Setyembre 22.

Pero noong gabi ng Setyembre 30, ang huling araw bago ang break ng sesyon, nagmosyon si House Senior Deputy Majority Leader at Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla sa plenaryo at binawi ang pag-apruba ng panukala.

“Mr. Speaker I move that we reconsider the action by the plenary on House Bill 10171 in Session dated September 21, 2021,” sabi ni Remulla.

Walang tumutol sa mosyon at inaprubahan ito ni Deputy Speaker at Valenzuela Eric Martinez, presiding officer ng sesyon.

Sa sulat, sinabi ng mga mambabatas na paglabag sa sariling rules ng Kamara ang naging aksyon nito.

Paliwanag nila sa ilalim ng Section 106 ng Rules ng Kamara ay maaari lamang i-reconsider ang isang panukala sa araw ng sesyon kung kailan ito inaprubahan hanggang sa susunod na araw ng sesyon.

Ipinunto nila na ang deadline sa rekonsiderasyon ng panukala ay Setyembre 22 kaya ang ginawa ng Kamara ay “INVALID.”

“Thus, we would like to put this manifestation on record in the Journal for September 30, and request that the move for reconsideration of HB 10171 be declared null and void,” sabi sa sulat.

Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring basta na lamang mag-operate ang mga pulis, sundalo at iba pang law enforcement agency ng pamahalaan sa loob ng mga UP campus.

Tinututulan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang panukala at ikinatuwa nito ang ginawang hakbang ni Remulla.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?