11
west-philippine-sea
By

7 sa 10 Pinoy gustong ipilit ang WPS

Sharing is caring!

MALAKING bahagi ng populasyon ang nagsabing dapat panindigan at protektahan ng administrasyong-Duterte ang sobereniya ng bansa sa West Philippine Sea.

Sa Pulse Asia survey, 73 porsiyento ng mga Filipino ang nagsabi na dapat ay igiit ng gobyerno ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 kung saan sinabi na ang Pilipinas ang may karapatan sa West Philippine Sea.

May pitong porsiyento ang tumutol na hindi dapat habulin pa ng Pilipinas ang desisyon, samantalang 17 porsiyento ang walang naging konkretong kasagutan.

Inilabas ang resulta ng survey sa ikalawang anibersaryo ng pagkakapanalo ng Pilipinas laban sa China sa isyu ng pagmamay-ari ng West Philippine Sea.

May 36 porsiyento ang pabor na iprotesta ng bansa ang ginagawang militarisasyon ng China sa rehiyon at 22 porsiyento ang nagsabi na dapat pang palakasin ng Pilipinas ang ugnayang-militar sa Amerika, Japan at Australia.

Samantalang, may 21 porsiyento ang pumapabor sa patuloy na pakikipag-kaibigan sa China para makaiwas sa anumang hidwaan.

May 16 porsiyento rin ang nagsabi na dapat palakasin ang puwersang-pandigma ng bansa para protektahan ang ating teritoryo.

Kaugnay pa nito, 74 porsiyento ang mas nagtitiwala sa US, 45 porsiyento sa Japan at 32 porsiyento sa Australia, samantalang pang-apat ang China sa pinagkakatiwalaan ng mga Filipino sa 17 porsiyento at pasok sa Top 5 ang South Korea na may 14 porsiyento.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?