124

By

7 mahistrado na nagpatalsik kay Sereno, sinampahan ng kasong impeachment

Sinampahan ng kasong impeachment nitong Huwebes ang pito sa walong mahistrado ng Korte Suprema na bumoto pabor sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, nilabag ng mga nasabing mahistrado ng kasalukuyang Saligang Batas ng bansa nang sang-ayunan nila ang quo warranto petition na isinampa ni Solicitor General Jose Calida na kumukuwestiyon sa kuwalipikasyon ni Sereno bilang punong mahistrado.

Ang nasabing desisyon ng Kataas-taasang Hukuman noong Mayo ay nagpatalsik kay Sereno sa kanyang poder dahil “null and void” umano ang kanyang pagkakatalaga sa simula pa lamang.

Bigo umano si Sereno na isumite sa Judicial and Bar Council (JBC) ang ilan sa mga pangunahing rekititos sa pagiging punong mahistrado kabilang na ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) habang siya ay nanunungkulan sa gobyerno bilang kawani at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Maliban kay Lagman, ang iba pang mga mambabatas na nag-endorso ng nasabing mga kasong impeachment ay sina Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Akbayan Partylist Tom Villarin at Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano.

Ayon kay Lagman, mali ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na sipain si Sereno sa kanyang puwesto dahil tanging ang Kamara at Senado lamang umano ang may hurisdiksyon sa mga impeachable officials na kagaya ni Sereno.

Kabilang sa mga sinampahan ng impeachment ay sina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo.

Hindi na isinama sa kaso si Associate Justice Samuel Martires na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong Ombudsman nitong nakaraang Agosto 6.

Giit ni Lagman, hiwa-hiwalay ang kanilang kasong isinampa upang hindi ito maibasura sa aspetong teknikal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?