492

Jul 5, 2018 @ 16:17
By

7 kilo ng shabu, nakumpiska sa buy-bust sa San Andres Bukid

Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit, National Capital Region Police Office (NCRPO) at ng Manila Police District Station 6 ang pitong kilo ng shabu sa buy-bust operations na ikinasa sa Aviadores St., corner Depenido St., San Andres Bukid, Maynila.

Ang mga narekober na shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P47.6 milyon ay iprinisenta ni Philippine National Police Chief Police Director General Oscar Albayalde sa media sa Camp Crame, Quezon City.

Isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon pasado alas-kuwatro ng madaling-araw ngayong Huwebes.

Nadakip sa operasyon si Joshir Bernardo y Dela Cruz, 29-anyos, walang asawa at residente ng Onyx St., San Andres Bukid.

Unang ikinasa ng mga awtoridad ang operasyon sa isang bahagi ng Makati City pero hindi ito nagtagumpay at muli silang nakipagkasundo sa suspek na gawin ang transaksiyon sa Aviadores St., corner Depenido St., San Andres Bukid na nagresulta sa pagkakaaresto kay Bernardo.

Si Bernardo, ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ay may koneksyon sa drug lord na si Loloy Hernandez na nakakulong sa Taguig City Jail.

Nag-o-operate ang kanilang grupo sa Metro Manila at CALABARZON.

Nakuha rin sa suspek ang isang cellphone at sasakyan na Nissan Cefiro na kulay gray na may plate number na XSA 507.

Dinala na ang suspek sa tanggapan ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para sa tamang dokumentasyon at maging ang mga narekober na ebidensiya mula sa kanya.

Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ngayon ng suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?