108

Dec 29, 2017 @ 9:27
By

7 kabataan na sumaksak sa binatilyo, arestado

Nadakip na ng Manila Police District ang pitong kabataan na sumaksak sa isang katorse anyos na na lalaki noong araw mismo ng Pasko sa Tondo.

Anim sa pitong suspek ay pawang mga menor de edad.

Ang mga suspek na pawang mga residente ng Baseco Compound sa Port Area, Maynila ay kinabibilangan ni Asnadin Acran, 19 na taong gulang at out of school youth; tatlong katorse anyos; dalawang disi-sais anyos at isang kinse anyos.

Nag-ugat ang pagdakip sa nangyaring pagpatay kay Charles Edward Dacio, 14-taong gulang, noong gabi ng December 25, 2017 sa Port Area.

Sinasabing ang biktima ay myembro ng grupong LBH o Loyal Brotherhood.

Pabalik na umano ang biktima ng Baseco Compound mula sa pamamasyal sa Luneta kasama ang mga kaibigan nang sila ay salakayin umano ng kalabang grupo na KPT o Killer Performance Target.

Nagawang makatakbo ng mga kasamahan ni Dacio, pero siya ay naabutan ng mga salarin at halinhinang sinaksak.

Sa tulong naman ng mga testigo at mga nakasama ng biktima nang gabing sila ay salakayin, nadakip ang mga suspek at agad na isinalang sa inquest proceedings para sa reklamong murder.

Pakakawalan naman ng MPD ang tatlong katorse anyos, dahil sa ilalim ng Republic Act 9344, ang mga edad kinse anyos pababa ay exempted sa kriminal na pananagutan. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?